𝐂𝐔𝐋𝐓𝐈𝐕𝐀𝐑 | Araw ng mga Guro
 
Gabay sa Paglalakbay
 
Sa pagitan ng nangangalit na alon at umaalimpuyong hangin,
kung saan ang kadiliman ay mistulang balabal na tumatabing,
At ang dulo ng kawalan ay tungo sa walang hangganan
Ay naroon ka – isang parolang tanglaw sa tiyak na patutunguhan.
 
Ang iyong mga kamay, pinatatag ng panahon sa pag-aagapay
ang humubog sa luwad ng aming mga buhay.
Iskultor kang lumilok ng mga pangarap nami’t kapalaran!
Matiyagang naghanda sa tatahaking kinabukasan.
 
Bagama’t nang tinitigan mo ang sarili sa salamin,
Kinang mong taglay ay di maaninag sa salamisim
Di mo halos pansinin, mistulang anino sa dilim
Ang tunay na halaga ng mga ambag mo sa amin.
 
Bawat ibinihaging aral, at bawat katagang iyong inusal
Ay mga karunungang sa isipan nami’y magtatagal.
Magsisilbing baluti’t kalasag sa hagupit ng kamangmangan.
Mga kapangyarihang tataglayin magpakailanman.
 
Mga kaalamang handog na tigib ng iyong pag-ibig
Kumintal sa bawat puso’t tumimo sa kada isip
Pinanday nang di maisiwalat na mga sakripisyo’t paghihirap
Pinatatag pang higit ng sanlaksa mong pagsisikap.
 
Ilang gabi nga bang pluma’t papel lamang ang iyong naging kaulayaw
Upang kauhawan namin sa kaalaman ay matighaw?
Nagsikap gumuhit ng mapa ng tamang landas
Nang sa pagkaligaw sa labirinto ng kamangmangan, kami’y makaalpas.
 
Naaalala mo ba ang lagablab sa iyong mga mata,
Ang pagnanasang sumisiklab sa bawat mong lektura,
Ang katatagan at paninindigang itinatarak mo sa bawat mong salita
Bagama’t ikaw mismo ay may duda sa kung ano ang tunay mong magagawa?
 
Natatandaan namin. Dala-dala namin ito,
Mistulang nag-aapoy na sulo sa kadiliman ng aming kawalang sigurado.
Para bang halimuyak ng sanlibong bulaklak sa hardin ng pagkatuto
Pumapailanlang nang walang humpay sa hangin ang taglay na bango.
 
Habang patuloy naming tinatahak ang dulo ng malawak na dagat
Tumingin pabalik sa laot nang may paghanga’t pasasalamat
At bagama’t niluma na ng panahon ang parolang gabay
Naroon ka pa rin! Handa sa patuloy na paglalakbay.
 
At kung nag-aalinlangan pa rin sa iyong tunay na halaga
Ang ambag mo ay para lamang nakatagong estrelya
Na bagama’t hindi kita sa maulap na gabi o sa liwanag ng umaga
Magpakailanman nang nakaukit sa puso’t diwa namin ang iyong pamana.
------------------------------------------------------------------------
Meet TAU’s Ageless 7, the seven most seasoned faculty members of the University based on their date of appointment, according to Human Resource and Management Office (HRMO) records:
 
College of Education – Dr. YOLANDA S. GUILLERMO (June 16, 1982)
College of Arts and Sciences – Prof. LORENA P. BERMILLO (February 7, 1991)
College of Agriculture and Forestry – Dr. SINAMAR E. ESTUDILLO (June 16, 1992)
College of Engineering and Technology – Dr. GERALDIN B. DELA CRUZ (November 25, 1997)
Laboratory School – Ms. CECILE L. LAPITAN (July 20, 1998)
College of Business and Management - Dr. ERLIE SD. TOTAAN (July 3, 2000)
College of Veterinary Medicine – Dr. LAVINA GRACIA M. RAMIREZ (December 12, 2006)
 
Their many years of experience and dedication have inspired many people and motivated generations upon generations. The TAU family is grateful for the invaluable contributions they have made to our academic community.
 
Though it features the Ageless 7, the poem serves as a heartfelt tribute to all mentors who dedicated their lives in motivating people through various eras, despite obstacles and years passing by. It commemorates their invaluable contribution to shaping lives, sharing knowledge, and creating a lasting legacy, while also highlighting the significant influence one person can have on others, often unintentionally.
Content | Information Unit